Monday, August 10, 2009

Katakawan sa Pagkain at sa Kapangyarihan

Kahapon lang, nabasa ko na ang kasalukuyang administrasyon ng bayang ito ay meron na namang kahihiyang ginawa. Sa kanyang pagbisita sa Estados Unidos, ay heto na naman ang ating dakilang pangulo kasama ng kanyang mga alagad na kumain ng hapunan sa Le Cirque, isang mamahaling French restaurant at ang binayad lang naman ay $20,000! Kung ikoconvert natin yan sa peso sa P48= $1, umaabot lang naman sa P960, 000.
Heto ang kanilang mga inorder:


- 11 botelya ng Krug champagne na tig-$510 bawat isa

- Osetra caviar na tig-$1,400 bawat five ounces

-“Chef’s Tasting Menu” ng wine na may kasamang pagkain na nagkakahalaga ng $4,500 na may 25 orders

-three-course “Chef’s Seasonal Menu” at $1,450 for 25 orders

- pampagana tulad ng lobster salad, burgundy escargot at soft shell crab tempura.




(Aba, ako'y naglalaway na habang nababasa ito. At nag-effort ako para icheck kung ano ba talaga yung mga pinagkakain nila.)

Ang New York Post pa ang naunang naglabas ng ganitong balita at sinabi pang sa kabila ng kahirapan sa bansa, nakuha pa ng Presidente na gumastos ng ganito kalaki. Ni hindi nga naibalita kung ano yung resulta ng kanilang byahe, kung matagumpay man ito o hindi. Pero nakita ang napakalaking kabulustugan, na habang nagugutom ang 2.7 M na mamamayang Pilipino (ayon ito sa napakahuling SWS survey) at patuloy na lumulubog sa utang, heto naman ang ating opisyales na nagpapakasaya. At isa lang daw iyong simpleng hapunan ha.

Kung ating matatandaan ilang beses ng hinabol-habol ng Pangulo si Barack Obama at sa wakas nga pagkatapos ng kanyang SONA, eh pinagmayabang niya na inimbitahan siya sa White House para makausap ang unang pangulo ng Estados Unidos. Piling pili ang entourage ng pangulo para dito. Grabe, kahit nga si Sen. Lapid, biglang nagkaroon ng interes sa pulitika. Humiling talaga siya ng personal sa Pangulo na sumama dahil gusto niyang makapagpiktyur kasama si Obama, na diumano ay kanyang idolo. Waw! At ang kapalit? Sinabi ni LApid na siya ang tatakbo na governor sa ikatlong distrito ng Pampanga para matapos na ang isyu sa pagtakbo ni GMA dun pagkatapos ng kanyang termino. Wtf! Isa kang linta talaga. Sa kasamaang palad di man lang nakapag-photo-op ang entourage kay Obama dahil napakabusy nito. Haha!

At heto nga, nagluluksa ang bayan sa pagpanaw ng dating Pangulong Cory Aquino, at nagmadali sa pag-uwi si Gloria. Ngunit bago yun eh syempre kailangan munang magdiwang sa “matagumpay” na state visit at saan ba dapat gawin iyon? Sa Le Cirque, isang napakasikat na French restaurant kung saan kumakain ang mga sikat na celebrities. Ika pa nga ni Sen. Miriam Santiago, “it’s a place where you want to see and be seen..”

Sinabi naman ng Press Secretary Cerge Remonde na exaggeration lang daw ang balita. Ang perang ibinayad ay hindi daw galing sa taong bayan. At isang Congressman diumano ang sumagot sa bayad. Noong una di niya pinangalanan kung sino yung mayamang Kongresistang iyon. Nung nagsipaglabasan na ang kritisimo, sinabi nilang si Rep. Martin Romualdez, (Leyte, 1st District) ang sumagot ng bayad.

Hindi daw yun pera ng taong bayan at binayaran nga ng malaking kaalyado ng Pangulo na si Rep. Romualdez. Iyon ay bilang selebrasyon lang daw ng anibersaryo ng kasal ng First Couple. Matanong ko nga kayo? Naniniwala pa kayo na hindi ito galing sa kaban ng bayan? Alam natin sa bawat paglabas sa bansa o any official trip ng opisyales na ito ay sandamakmak na salapi ang dala. Any perang nilalagay sa bawat opisina ng mga kongresista ay walang klarong auditing procedure. As long as pumirma ang kongresista, ay tama na. Ilang milyon ba ang kanilang pork barrel? Ilang beses ba nasosobrahan sa paggasta ang mga ito? Ang terminong “reimbursement” ay naiisip ko din. Gagawa at gagawa ng paraan ang ating butihing Rep. Romualdez para maibalik ang perang iyon.

At ang kinakagalit ko, dito ba napupunta ang buwis na relihiyosong inaawas sa mga guro at mga empleyado (kabilang na ako!) buwan-buwan? Isa na akong taxpayer at may karapatan akong malaman saan napupunta ang perang nakakaltas sa aking sahod. Minsan naisip ko nga, sa kabila-kabilang eskandalo at korupsyon sa administrasyong ito, pwede kayang hindi magbayad ng buwis bilang protesta? Yan ang ginawa ni Conrado de Quiros at naisip ko, pwede ko rin kayang gawin yun bilang protesta?


Note: Ang mga larawan ay nanggaling sa Google Images.

0 comments:

 

Blog Template by YummyLolly.com - RSS icons by ComingUpForAir