Tuesday, September 8, 2009

Sabong at Swerte

Heto eleksiyon na naman. Sabong na!




Kabila- kabila na ang infomercial sa radyo at telebisyon, kanya-kanyang sabit na ng tarpaulin at streamers nang naglalakihang pangalan (mas malaki pa nga ang pangalan kesa sa pagbati)at iba't ibang gimik para lamang mapansin ng madla.

Ilang buwan na lang, filing of candidacy na (although marami na ang nagpahayag sa pagtakbo bago pa magpasa ng pormal na kandidatura sa COMELEC) at syempre, kailangan ng tumatak sa utak ng mga botante. Hayaan niyo akong isaisahin ang mga desperadong aksyon ng mga politikong ito. Tila blind item nga lang to at baka makasuhan tayo ng libel. Hehe


1. Isang presidentiable kailangan pang magpropose sa isang sikat na noontime variety show, mangako ng magpakailanman sa nobya at ianunsiyo ang pag-iisang- dibdib. Tama nga ang kolumnistang si John Nery. Wala pang kumandidato sa pagkapresidente ng hindi nakakasal o walang masayang pamilya. Ang pamamahala sa isang bansa ay tila pamamahala diumano sa pamilya. Wala pa sa kasaysayan ng Pilipinas ang umupong matandang binatang presidente. Isa pang gimik na naisip ng taong to ay ang pagsuot ng bawang bilang protesta diumano sa mga Congressman na mga Aswang sa Batasang Pambansa. Nice try!


2. Syempre di patatalo ang bilyonaryong real estate businessman na lumaki sa hirap. Laki sa Tondo sa sirang barung-barung. Isang magandang teleserye ika nga. Maitanong ko lang, makaraan ang ilang dekada, nakakapagtaka naman na nakatayo parin ang kanilang "maliit at sira ng barung-barung" na kinalakhan niya. Wala man lang pagbabago sa lugar na iyon? At dahil laki sa hirap daw, alam ang solusyon sa mga problema ng mga mahihirap. May sagot sa problema lalo na sa pabahay. Teka lang ha. Sa naalala ko, isang dating propesor ang kumuha ng unit sa kanyang real estate at andaming problema. Gumawa sila ng petisyon ngunit hindi inaksyunan. Nagpadala sila ng sulat sa butihing senador na ito at ang sagot? Bonggang-bongga na "I am sorry but it is my daughter who manage that real estate business." Naks naman! Napakaprofessional niya ha. At nung pinost nga ito sa blog ang nasabing problema, hayun me mga nagreklamo na rin sa mga nakuha nilang unit. Iclick ito para makita ang mga komento. AT syempre andiyan pa ang pagsingit ng double budget sas C5 Highway papunta sa kanyang mga pinapatayong subdibisyon. Pagpapasemento sa pansariling negosyong pabahay at pagpapataas sa premium ng lote sa pera ng taumbayan!

Ginamit na rin ang mga OFW sa aknyang kampanya. Tinulungang makauwi sa Pilipinas ang mga nawalan ng trabaho at sa sarili daw niyang pera. Nung kalagitnaan ng Financial Crisis, hayun biglang tumigil ang ads niya sa TV. Natakot siguro kasi marami na ang kailangan niyang pauwiin at malulugi siya.

Andiyan pa ang pag-approach niya sa host ng noontime variety show (na kung saan din nagpropose si senador Presidentiable # 1) sa pamimigay ng tatlong House and Lot. Kumakailan nga lang noong Kadayawan, nagbigay din siya ng malaking pondo para sa papremyo ng nasabing programa. Malas lang niya at inulan nang napakalakas noong gabing iyon. Di na maatim ng langit ang garapalang nangyayari.

3. Ito naman ay batambata pa, napaka- articulate at may karisma talaga. March pa lang eh nag-umpisa ng maglibot-libot sa mga eskwelahan maging sa dulo ng Mt. Apo! Naku naman! Natatandaan niyo kaming taga Mindanao pag malapit na ang botohan ah. Malaki ang potensiyal nito pero ang kinakatakot ko, isa din ito sa mga nanggaling sa pamilya ng traditional politicians, mga pamilyang nangangamkam ng lupa at manok nga din ni Danding Cojuangco. Walang konkretong nagawa bagkus puro salita. Kamukha siya ng isang vocalist ng isang banda.


4.
Ito naman ay nanggaling din sa pamilyang mga pulitiko. Malapad ang mga lupain at siyempre isa din sa mga operator ng logging companies sa Agusan del Sur. Ginamit si Juday para madaling matandaan mukha niya kasi magkamukha pa sila noon. Tatakbo daw siya ulit at nag-iilusyong Presidente nga at isa sa pinakamagandang taktikang naisip niya para makilala ng tao? mamigay ng yellow bead bracelet nung libing ni Cory. Wow! very ingenious!

5. Ito naman eh Sec. ng Department of Interior and Local Government na bigla na lamang naglipana ang mga posters sa Mindanao. Aba may planong tumakbong Bise- Presidente pero Sekretarya pa lang ng DILG eh grabe na kung gumastos ng publikong pondo.

6. Ang Kabayan ng bayan, boses sa proyektong pabahay ng pamahalaan. Siya raw marahil ang manok ng administrasyon sa darating na eleksyon kaya ngayon pa lang gamitin ang bilyon-bilyong pondo ng gobyerno sa pangangampanya sa pamamagitan ng "murang pabahay", para mas dumami ang magloloan sa napakataas na interes! haaay, 25- 30 years mo lang namang babayaran ang loan na iyon.


7.
Ito ang sinasabing busilak at isang paruparong nangahas na kalabanin ang mayoryang lalakeng kandidato sa pagka Presidente. Environmentalist daw. Pero isa ring Madame Political Butterfly. Palipat-lipat, papalit- palit.

8. Dating Pangulong naimpeach dahil sa katiwalian, nakulong ngunit napalaya dahil sa presidential pardon. Heto ngayon umaarangkada at naghahangad ng ikalawang pagkakataon. At ang pinakamagandang taktika sa kanyang pangangampanya? Gumawa ng bagong pelikulang comedy!

9. Sa Makati..Dito sa MAkati. Nagawa na daw niya lahat. Gagawin pa lang ng iba, natapos na niyang solbahin. Oh di ba, bongga! Pero katulad ng iba, meron ding kaso ng korupsyon ito at traditional na pamamaraan ng pamumulitika. Although, sa aking pagsisiyasat medyo nakuha niya ang aking paghanga sa kanyang pamamalakad. Pero oo nga naman, Makati yan eh! Distritong pangpinansiyal at malaki ang Internal Revenue Allotment (IRA). Sana lang wag siyang gumamit ng bansag na "Obama of the Philippines.


10.
Noong isang linggo, pinahayag ni # 1 na hindi na niya ipagpapatuloy ang pagtakbo bilang Presidente. Bagkus, ipapasa niya ang pagpadyak sa mas gusto ng nakakarami. Ito ay anak ng sikat na mag-asawang nailagay sa posisyon dahil sa sirkumstansiya, sa daloy ng panahon. At sa pagnanaw kumakailan ng inang sinasabing "tanglaw ng demokrasya", kailangang ipagpatuloy ang laban. At sino pa nga ba ang nararapat na magdala ng sulo kundi ang ang nakakatandang anak nila? At sa ika- 40 araw ng pagkamatay ng ina at sa isang napaimportanteng petsa ika- 9 ng Setyembre, 2009, pormal na dineklara ng senador ang kanyang pagtakbo. Pagpapatuloy daw ng Dilaw na rebolusyon ng EDSA 1. Siya na nga ba ang magbubuklod sa oposisyon? O ang mga tao kaya ay patuloy pa ring nangungunyapit sa nakaraan at naghahanap ulit ng simbolo sa pagbabago? Ngunit anong pagbabago ang dala niya? Maraming kamalian ang nakaraan lalo pa sa EDSA 1 at pauulit-ulit nating mararanasan dahil hindi tayo natututo.


Sa mga nakalistang tatakbo sa parating na eleksyon, napapaisip ako kung meron nga bang kandidato para sa tunay na pagbabago?

Paulit-ulit na pangalan,
paulit-ulit na isyung nakakabit sa kanila..
anong 'pagbabago' ang naghihintay?

PS. Hindi ko nabanggit si Nicanor Perlas. Isa rin sa mga nagpahayag ng pagtakbo sa pagka Presidente at sinasabing "alternatibo" sa mga trapo. Mgasasaliksik pa ako sa kanya. At hindi ko na rin inihanay sa kanila sina Among Ed at Grace Padaca.

0 comments:

 

Blog Template by YummyLolly.com - RSS icons by ComingUpForAir