Wednesday, September 9, 2009

Sulat na napakaChizy

Mahal kong senador,

Kumusta naman ang paglilibot mo sa iba't ibang panig ng bansa? Noong pumunta kami sa Barangay Balabag, Kidapawan City, isang barangay sa paanan ng Mt. Apo noong Marso, nakita ko ang napakalaking tarpaulin mo nagbibigay pugay sa iyong pagdating sa kanilang paaralan. Nakabalandra ang iyong nakangiting mukha. Gwapo at makisig.


Kailan ka ba pumasok sa aking kamalayan? hhhmm... Naalala ko pa, isa kang bagitong KOngresista noon. Napakavocal mo sa mga isyung nasasangkutan ng administrasyon. Naging sunod-sunod din ang debate niyo ni Mike Defensor. Nakakatawa nga ang kapalaran sapagkat siya (si Mike Defensor) ay isang dating aktibista at lider estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman ay naging tagapagsalita ng administrasyon samantalang ikaw, na dating walang pakialam (o apathetic) ay naging tagapagsalita ng oposisyon.

Nakita ko sa iyo ang isang malaking potensyal para maging lider. Listo, agresibo at bata pa. Naisip ko, panahon na para magkaroon ng boses ang kabataan (Kabataan ay mga batang 16- 35 taong gulang ayon sa UNICEF). Sa ilang dekada na pinamunuan tayo ng mga matatanda at mga sinasabing maraming alam,panahon na siguro na merong representante at boses na alam ang ating kalagayan.

Naalala ko sumikat ka agad. Naging hot property ka na rin ng madla. At syempre dagdag pa na kahawig mo ang lead vocalist ng isang banda, si Bamboo. At nung nagkaroon ng halalan noong 2007 elections, tumakbo ka bilang senador at nakuha mo nga ang ikalawang pinakamalaking boto.

Umupo ka sa pwesto. Maramirami ka na ring nasabi, ngunit naghahanap pa rin ako ng konkretong aksyon na nagawa mo para sa masang pinangakuan mo, lalong-lalo pa sa mga kabataan. Marami na rin ang nangyayari. Nagkawatak- watak na rin ang oposisyon. Mabilis ka pa ring magsalita na animo'y namemorya mo na ang lahat ng sasabihin.

At heto nga 2009. Sa susunod na taon, eleksyon na at pagkakataon na upang baguhin ang kabulukan sa kasalukuyang amdinistrasyon. Isa rin iyan sa mga linyang namutawi sa iyong mga labi noong ANC Leadership Forum. Hanga ako sa talas ng iyong pag-iisip dun. Isa ka ngang debater.

Marami na rin ang nagpahayag na kakandidato bilang pagka Presidente. Lumutang din ang iyong pangalan kasama nila Bayani Fernando, Jejomar BInay, Jamby Madrigal, Manny Villar, Loren Legard, Erap Estrada, Mar Roxas.

Meron pa ngang balita noong pinag-iisipan at pinag-uusapan na ng iyong partidong National Peoples' Coalition ang iyong posibleng pagtakbo o ang tambalan ninyo ni Gilbert Teodoro. Nasabi ding malaking pagsuporta ni Danding Cojuangco sa iyong kandidatura.


Ngayong araw nga maswerte daw kasi triple ang numerong nuwebe, isa sa mga senyales ng panahon. Ang isa mong kasamang senador na si Noynoy Aquino ay nagpahayag na ng pagtakbo. Nakakakita na ako ng "President Chiz" at "Idol kita Chiz" sa kahabaan ng Matina at iniisip ko nga. Hindi malayong tumakbo ka. Ngayong darating na Oktubre, ipagdiriwang mo na ang iyong ika- 40 kaarawan. Sa darating na Nobyembre, kwalipikado ka ng tumakbo bilang Pangulo kung gugustuhin mo.

Wala ka pa namang mga pahayag ngunit meron ng nakakaintrigang bidyo na lumabas.



Noong pinanood ko ito, alam ko talagang ikaw yung mamang naka pulang jacket.


At sa sequel nga, hindi ako nagkamali.


Ano nga ba ang plano mo Chiz? Patuloy ka pa rin ba sa iyong mabilis na pagsasalita at tila memoryadong linya? Magpapagamit ka rin ba tulad nila?


Sumasaiyo,

Batang taga Mindanao
na dating may crush sa iyo

0 comments:

 

Blog Template by YummyLolly.com - RSS icons by ComingUpForAir