Thursday, June 23, 2011

Musika ng pakikibaka 2



♫ ♪Ika’y paru-parong nangahas lumipad
Sa dilim ng gabi pilit na umalpas
Pagkat hanap mo’y ningning at laya ng bukas
Sa aking mundo’y napadpad♫ ♪



Ilang beses na kitang nakita. Sa daan, sa rally, at ilang eskinita. Nakita kitang nakataas ang iyong kamao, nagsasalita sa megaphone.Humihimok sa mga mangagawang ipaglaban ang kanilang karapatan.
Nagkasama na rin tayo sa pagkilos na nawagan sa isang klaro at maayos na pamamahala (transparent governance), para sa pagsasabatas nang mabilis na pagbibigay ng dokumento sa publiko.

Ngunit hindi pa kita lubusang kilala. Akala ko isa ka lamang sa kabataaang nasa hanay.



♫ ♪Katulad ng iba ay nagmamahal din
Kahit malayo ay liliparin
Upang pag-ibig mo’y iparating
Sa rosas ng iyong paningin♫ ♪


Tatahakin mo sana ang landas tungo kabanalan. Ngunit mas pinili mo ang "mas malawak na pakikipagtunggali at pakikibaka ng masang sawi". Ayaw mong tawaging Father. 'Mas komportable ako sa pag-oorganisa. Sa pagpapaintindi nang nakakarami." Kung magsalita ka parang antanda mo na. Akala ko isa ka sa estudyante. Natawa na lang ako nang malamang magkaedad lang pala tayo.

Mas nakilala kita nung nagkasabay sa isang pagsasanay.Ibang klase rin ang istilo mo ng 'pagkilala sa isang dalaga'. :) At nag-umpisa ang di matapus-tapos na pagpapalitan ng mensahe. Na aasundan ng lingo-linggong pagtambay.

"Gusto kita." sabi mo minsang isang gabing maliwanag ang buwan. "Hindi ko pa ito naramdaman kahit kanino. Pasensiya ka na hindi ako marunong manligaw. Kahit nga sa pagtetext hindi pa akon kasanay."

Isang halik. Pagdadampi ng labing imbes na magpapatibay ng nararamdaman ay naging sanhi ng pagkalito.

Magkasundo naman tayo sa iba’t ibang panlipunang usapin. Klaro ka kung mag-isip. Ngunit ng ika’y tanungin “Gusto mo ako. Ano ngayon ang gusto mong mangyari?”

Ikaw ay nasamid. Mas mahirap pala tahakin ang landas ng pag-ibig. Mas madaling sumigaw para sa pagbabago sa lipunan. Samantalang sa usaping pag-ibig eh walang blueprint na pwedeng sundan.

Hindi kasal ang aking hiniling. Hiling ko lamang ay isang pangakong kailangan mong tupdin. Hiling ko naman ay isang pagpapaklaro ngunit hindi mo kayang gawin.

Parang ang sarap gayahin ang linya ni Claudine sa Milan. "Mahal mo ba ako dahil kailangan mo ako? O Kailangan mo ako dahil mahal mo ako?"

Nakakatawa. Hindi naman ito isang pelikula. Kaya mas ninais na sa iyo sana magmula.


"hindi ko alam." Umiiling ka habang ito ay tinuturan. "Marami pa akong problemang kinahakaharap."


“Mas maraming pagsubok ang masa. Kahit ako din ay may mga problema."


masa. masa. masa. paulit-ulit mong sinasambit.


Mas matimbang ang masang gusto mong paglingkuran. Iyan ay aking naiintindihan. Hindi ako nakikipagkompetensiya. Sa sinabi ko pa. Hindi mo kayang ibigay ang bagay na wala ka.

At hindi mo maibibigay ang buong pagmamahal sa iba kung sarili mo ay hinahanap mo pa.





♫ ♪Ako’y nangangarap na ika’y makasama
Taglay ang pangakong iingatan kita
Ang ganda mong nahubog sa piling ng masa
Hinding hindi kukupas, di malalanta ♫ ♪



Tayo man ay nagkahiwalay sa bagay na tila walang saysay. Maliit na bagay ngunit hindi mo maisagot nang deterso. Marahil mas maayos ang ganito.

Sa wika mo pa, Patuloy ang kontradiksyon ng buhay. Patuloy ang pakikibaka



…..para sa iyong sarili, sa masa at sa sistema.



Ang pagkamit nito ay marahil matatagalan pa.


♫ ♪ Gaya ng pag-ibig na alay ko sinta ♫ ♪


Friday, June 17, 2011

Musika ng pakikibaka 1


♫ ♪ Kahit ngayon
Ngayon lang nagkakillala
Ay alam kong matagal na tayong magkasama ♫ ♪





Sa ilalim nang maliwanag na buwan, kinanta mo ang mga kundiman, mga kanta ng pakikibaka- musikang paborito ng mga aktibista. Tinawanan kita. Hindi mo ako madadala sa ganyang istilo, ulol!

Napahinto ka sa pagtapik ng iyong mahigit isang dekada ng gitara. Natawa din. At iyong ibinahagi ang pagkakataong ginamit mo ang kanta sa panliligaw. Walang kamuwang-muwang na kolehiyala, kinilig sa ideyang ginawan siya ng isang kanta, hindi naisip na ito ay komposisyon noong panahon ng Martial Law pa. Magandang dalaga, dagdag mo pa. Pero madaling utuin, isip ko.

Kaya iniisip mo mas madaling ligawan ang babaeng walang muwang sa pakikibaka?

Hindi naman. Pero mas madaling basahin ang utak nila.

Kilay ko ay napataas. At kelan ba nagkaroon ng ganung basehan?


♫ ♪Kahit sa’nman may tunggalian at paglaban
Nagtatagpo lakas natin at paninindigan
Sa bisig na nagpapanday
Sa bisig na nagbubungkal
Ng isang bagong kaisipan
Ng isang malayang lipunan♫ ♪



At tayo'y patuloy na nagdiskusyon sa walang katapusang debate ng hiwalayan ng kaliwang bloke, ng peace talks na hindi matapus-tapos at kung bakit nahuhumaling ang mga babae sa magkapatid na Younghusband.

Nakakatawa ang kanilang apelyido. Turan mong nakaismid pa.

Gwapo sila at napakatalentado. Passionate. We want our man to be passionate. At tsaka, Youngwife ako forever! With emphasis sa Young talaga.

Kalebel din ng pagpapantasya niyo sa napakalamig na bampirang si Edward Cullen? Yan ang hirap sa inyong mga babae, you fantasize and want that qualities of a man. Sobrang taas na ng standards ninyo.

Napahagalpak ako ng tawa. As if hindi naman kayo ngapapantasya. Marahil hindi sa isang fictional character like Edward but some 'it' girls like Anne Curits or Solenn Heussaff.


At nauwi na naman ang usapan sa gender equality; ng mga sinasabi mong feministang may 'misplaced ideology”. Gusto ng equality pero gusto rin ng gentleman who would sweep them off their feet daw. Mga lalakeng tatayo at ibigay ang upuan, yung tipong magiging sunud-sunuran.

“Teka malayo naman ata yan! Equality. Pagkakapantay-pantay. Sa haba nang panahon naiwan ang babae kaya kailangan mo siyang iangat pero hindi ibig sabihin aawayin mo ang lalake. Kailangan ding mapaintindi ang lalake. Wala na ang feministang Amazona.May pagkakamali sa naunang pagkilos sa pag-angat ng kababaihan. Kailngang isipin na magkaagapay sa kaunlaran ang kababaihan at kalalakihan.

Oh teka, mukha ka namang nasa rally eh.


Tawa. Kanta. Inom. Ganito tayo parati. Hindi matapus-tapos na kuro-kuro. Nagdedebate sa mga walang kwentang bagay. Parating nagbabangayan pero hindi kumpleto ang araw kung wala ka.


Hindi ko alam kung ano pa ang posible sanang mangyari. Naduwag ka ata. O mas ninais mong tahakin ang mas simpleng paraan- ang paglisan.





♫ ♪At kung sakaling magkalayo man sa gawain
Bawat oras ito ay lagi kong kapiling
Sa piling ng bawat pantig
Singtamis mong ngumiti
Sa bawat pagpupunyagi
Kasama sa layang mithi♫ ♪

 

Blog Template by YummyLolly.com - RSS icons by ComingUpForAir