Thursday, June 23, 2011

Musika ng pakikibaka 2



♫ ♪Ika’y paru-parong nangahas lumipad
Sa dilim ng gabi pilit na umalpas
Pagkat hanap mo’y ningning at laya ng bukas
Sa aking mundo’y napadpad♫ ♪



Ilang beses na kitang nakita. Sa daan, sa rally, at ilang eskinita. Nakita kitang nakataas ang iyong kamao, nagsasalita sa megaphone.Humihimok sa mga mangagawang ipaglaban ang kanilang karapatan.
Nagkasama na rin tayo sa pagkilos na nawagan sa isang klaro at maayos na pamamahala (transparent governance), para sa pagsasabatas nang mabilis na pagbibigay ng dokumento sa publiko.

Ngunit hindi pa kita lubusang kilala. Akala ko isa ka lamang sa kabataaang nasa hanay.



♫ ♪Katulad ng iba ay nagmamahal din
Kahit malayo ay liliparin
Upang pag-ibig mo’y iparating
Sa rosas ng iyong paningin♫ ♪


Tatahakin mo sana ang landas tungo kabanalan. Ngunit mas pinili mo ang "mas malawak na pakikipagtunggali at pakikibaka ng masang sawi". Ayaw mong tawaging Father. 'Mas komportable ako sa pag-oorganisa. Sa pagpapaintindi nang nakakarami." Kung magsalita ka parang antanda mo na. Akala ko isa ka sa estudyante. Natawa na lang ako nang malamang magkaedad lang pala tayo.

Mas nakilala kita nung nagkasabay sa isang pagsasanay.Ibang klase rin ang istilo mo ng 'pagkilala sa isang dalaga'. :) At nag-umpisa ang di matapus-tapos na pagpapalitan ng mensahe. Na aasundan ng lingo-linggong pagtambay.

"Gusto kita." sabi mo minsang isang gabing maliwanag ang buwan. "Hindi ko pa ito naramdaman kahit kanino. Pasensiya ka na hindi ako marunong manligaw. Kahit nga sa pagtetext hindi pa akon kasanay."

Isang halik. Pagdadampi ng labing imbes na magpapatibay ng nararamdaman ay naging sanhi ng pagkalito.

Magkasundo naman tayo sa iba’t ibang panlipunang usapin. Klaro ka kung mag-isip. Ngunit ng ika’y tanungin “Gusto mo ako. Ano ngayon ang gusto mong mangyari?”

Ikaw ay nasamid. Mas mahirap pala tahakin ang landas ng pag-ibig. Mas madaling sumigaw para sa pagbabago sa lipunan. Samantalang sa usaping pag-ibig eh walang blueprint na pwedeng sundan.

Hindi kasal ang aking hiniling. Hiling ko lamang ay isang pangakong kailangan mong tupdin. Hiling ko naman ay isang pagpapaklaro ngunit hindi mo kayang gawin.

Parang ang sarap gayahin ang linya ni Claudine sa Milan. "Mahal mo ba ako dahil kailangan mo ako? O Kailangan mo ako dahil mahal mo ako?"

Nakakatawa. Hindi naman ito isang pelikula. Kaya mas ninais na sa iyo sana magmula.


"hindi ko alam." Umiiling ka habang ito ay tinuturan. "Marami pa akong problemang kinahakaharap."


“Mas maraming pagsubok ang masa. Kahit ako din ay may mga problema."


masa. masa. masa. paulit-ulit mong sinasambit.


Mas matimbang ang masang gusto mong paglingkuran. Iyan ay aking naiintindihan. Hindi ako nakikipagkompetensiya. Sa sinabi ko pa. Hindi mo kayang ibigay ang bagay na wala ka.

At hindi mo maibibigay ang buong pagmamahal sa iba kung sarili mo ay hinahanap mo pa.





♫ ♪Ako’y nangangarap na ika’y makasama
Taglay ang pangakong iingatan kita
Ang ganda mong nahubog sa piling ng masa
Hinding hindi kukupas, di malalanta ♫ ♪



Tayo man ay nagkahiwalay sa bagay na tila walang saysay. Maliit na bagay ngunit hindi mo maisagot nang deterso. Marahil mas maayos ang ganito.

Sa wika mo pa, Patuloy ang kontradiksyon ng buhay. Patuloy ang pakikibaka



…..para sa iyong sarili, sa masa at sa sistema.



Ang pagkamit nito ay marahil matatagalan pa.


♫ ♪ Gaya ng pag-ibig na alay ko sinta ♫ ♪


0 comments:

 

Blog Template by YummyLolly.com - RSS icons by ComingUpForAir